Tree Growing and Water System at Awang


Ang ibig sabihin ng “pahina” sa lokal na wika ay ang boluntaryong pagtutulungan sa mga gawain. Ganito din ang naging pamamaraan ng organisasyong, “Panaghiusa sa mga Higaonon sa Awang (PAHINA)”, sa nakalipas na dalawang taon upang marating ang kinalalagyan nila ngayon: sa kasalukuyan ay may 4,000 na punla ng lawaan, narra, chestnut at iba pang lokal na uri ng mga puno na naitanim mula noong taon 2020, at matagumpay din nilang nakumpleto ang kanilang sistema ng patubig sa komunidad noong Abril 2022.

Ang mga miyembro ng PAHINA ay ang mga kababaihan, kalalakihan at kabataang Higaonon sa Sitio Panlablaba, Brgy. Awang, Opol, Misamis Oriental na bahagi ng Dulangan Unified Ancestral Domain. Layunin ng komunidad ng mga Higaonon sa Panlablaba na maibalik ang kanilang mga kagubatan na nawasak dahil sa pagmimina ng chromiteilang dekada na ang nakararaan.

Noong ika-28 ng Hulyo 2022, nagsagawa ang PAHINA ng isa pang kaganapan ng pagtatanim ng mga puno. Ito ay sinuportahan ng Misamis Oriental Electric Service Cooperative (MORESCO), Knights of Columbus ng St. Francis Xavier Parish, mga boluntaryo mula sa Agro-Ecology Desk ng Archdiocese of Cagayan de Oro (CDO), JCI Cagayan de Oro (Oro Jaycees), at mga kabataan galing sa Youth Apostolate ng Our Mother of Perpetual Help Parish sa Barra, Opol. Lumahok ang mga miembro ng youth apostolate at Agro-Eco Desk bilang bahagi ng Laudato Si. Mahigit 200 na punla ang naitanim sa kanilang tulong.

Kasabay nito, nasaksihan din nila ang pag turn-over ng patubig ng pamayanan ng Panlablaba, isang proyektong sinuportahan ng Global Greengrants Fund sa pangangasiwa ng Samdhana Institute. Matagal ng hangad ng mga ina at kababaihan sa Panlablaba ang madaling mapagkukunan at malinis na tubig sa loob ng maraming taon. Ibinahagi ni Rosemarie Delada, ang Pangulo ng pangkat ng kababaihan na Kababayen-an Sa Panlablaba (KASAP), ang kanilang karanasan kung paano nila dinadala ang kanilang lingguhang paglalaba sa ilog. Sa kabila ng mabigat na kargada, mahirap, madulas at paakyat pa ang patungo sa ilog. Kung kaya ganoon na lamang na labis ito nakaapekto sa kanilang oras at lakas. Hindi rin sila umaasa sa ilog para sa inuming tubig dahil hindi nasisiguro ang kalinisan nito.

Sa kabutihang palad, may nananatiling mapagkukunan ng tubig sa kalapit na bundok sa loob ng kanilang lupaing ninuno. Ang pinagmumulan ng tubig ay nasa gitna rin ng conservation area na kasalukuyang tinatamnan ng mga punongkahoy. Tumulong ang Samdhana upang mapadali ang technical assessment at ang paggawa ng disenyo ng patubig na angkop sa kanilang sitwasyon. Tinulungan din ang KASAP at PAHINA sa kanilang mga gawaing pagpaplano upang maisagawa ang proyekto ng patubig. Gumawa ng mga patakaran ang mga organisasyon at nagtakda rin ng kanilang mga pangako sa pagpatuloy ng pagpapatubo ng mga puno para masiguro ang pinagmumulan ng kanilang tubig. Sa turn-over program, dumalo ang Bise Alkalde ng Bayan ng Opol na si Vox Daroy, kasama ang mga lokal na opisyal ng Brgy. Awang, at ang mga pinuno ng Dulangan Unified Ancestral Domain, sa pangunguna ni IP Mandatory Representative Jeffrey Puasan. Kinilala nila ang pagsisikap ng kababaihan at kabataan, at ang nagkaisang pagmamalasakit upang manumbalik ang kapaligiran. Ito rin ay kanilang kontribusyon sa pagkilos laban sa lumalalang klima.Para sa mga Katutubong miyembro ng PAHINA, isang karapatang natupad ang pagkakaroon ng tubig, at isang patuloy na responsibilidad na pangalagaan ang kanilang lupaing ninuno. Sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng kapasidad at pangangalap ng pondo, patuloy na nakikipagtulungan ang Samdhana sa pamayanan ng Higaonon, lalo na sa mga kabataan at kababaihan, upang suportahan ang mga gawain sa pagpapalago at pag-iingat ng kalikasan. 

Cerita Lainnya